Muling pinasinayaan ng UP Journalism Club (UPJC) nitong ika-26 ng Agosto ang Community Journalism Workshop (CJW) para sa taong panuruan 2024-2025.

Matapos ang dalawang taong pagpapaliban ng CJW, muling binuksan ng organisasyon ang kanilang pangunahing proyekto ngayong taon upang mas mapagyaman pa ang kaalaman sa pamamahayag ng mamamayang Pilipino sa kabila ng mga suliraning kinakaharap ng mga peryodista at ng buong industriya.

Sa pangunguna ng pangulo ng UPJC na si Chris Josef de Jesus, sumabak ang dalawang koponang grupo ng Cavite Science Integrated School sa radio broadcasting sa palihan o workshop sa pagsulat at pag-uulat ng balita para sa radyo.

Bumida sa pagtalakay ni de Jesus ang proseso ng paggawa ng balita mula sa pagkalap ng impormasyon, pagpili ng anggulo at paglalatag ng mga ito sa lineup ng programa sa radyo.

Tinutukan naman ni Alu Tabije mula sa UP Radio Circle sa kaniyang pagtalakay ang teknikal na aspeto ng pagsusulat ng script at angkop na pag-deliver ng balita sa radyo.

Tampok sa kanilang mga diskusyon ang konsepto ng ethical journalism at ang pagpapahalaga sa peryodismo higit sa kagustuhang manalo sa mga patimpalak tulad ng National Schools Press Conference.

“Sana hindi lang [kayo focused on winning] the contest… but also to give back to the community. ‘Yung purpose ng CJW [ay] hindi lang [basta-basta] dekalibreng journalism, dapat nakaangkla pa rin doon sa ethical standards na dapat nating isinasabuhay.”

Chris Josef de Jesus, UPJC President

Kadikit ng pitong dekadang pamamayagpag ng UPJC ang pagsasagawa ng CJW simula pa noong 1995 upang mahasa ang kakayahan ng mamamayang may puso para sa peryodismo at pagbabagong nakabatay sa katotohanan.


Sa mga interesadong makatuwang ang UPJC sa pagsasagawa ng CJW, maaaring padalhan sila ng mensahe sa Facebook page o email sa cjw@upjournalismclub.org.

0 Shares:
Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

You May Also Like
Read More

UPJC holds CJW Naga

Thirty-one aspiring student journalists from St. Joseph School, Naga City attended the UP Journalism Club’s Campus Journalism Workshop…